Matthew 8:28-34

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Lalaking Sinasaniban ng Masasamang Espiritu

(Mar. 5:1-20; Luc. 8:26-39)

28Nang dumating siya sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno,
Gadareno: Sa ibang tekstong Griego, Geraseno o, Gergeseno.
sinalubong siya ng dalawang lalaking galing sa mga kwebang libingan. Ang mga lalaking itoʼy sinasaniban ng masasamang espiritu. Napakababangis nila, kaya walang nakakadaan doon.
29Sumigaw sila kay Jesus, “Ano ang pakialam mo sa amin, ikaw na anak ng Dios? Pumunta ka ba rito para pahirapan kami nang wala pa sa takdang panahon?” 30Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng baboy na nanginginain. 31Nakiusap ang masasamang espiritu sa kanya, “Kung palalayasin mo kami, payagan mo na lang kaming pumasok sa mga baboy na iyon.” 32Sinabi ni Jesus, “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang buong kawan ng baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

33Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng mga baboy papunta sa bayan at ipinamalita ang nangyari sa mga baboy at sa dalawang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 34Kaya lumabas ang lahat ng tao sa bayan at pinuntahan si Jesus, at nakiusap sila na umalis siya sa lugar nila.

Copyright information for TglASD